Tuesday, March 11, 2008

Arnel Pineda - The Man!


Hello everyone! Kamakailan lang ay ginanap ang konsyerto ng Journey sa Planet Hollywood, Las Vegas sa kauna-unahang pagkakataon na si Arnel Pineda ang bokalista nito. Pero bago yan nauna ng nagkonsyerto ang grupo noong Pebrero 21, 2008 sa bansang Chile kung saan ginanap ang Festival ViƱa del Mar. Bagamat baguhan si Arnel Pineda sa bandang ito ay natipuhan agad siya ng mga Chileans dahil sa kanyang angking talento sa pag-awit bukod sa kaboses nito si Steve Perry, na siyang nagpasikat ng maraming kanta tulad ng Open Arms, Faithfully, Don't Stop Believing at iba pa.

Pero ayon sa aking pananaliksik sa iba't-ibang forum at website mayroon pa ring mga die-hard fans ng Journey ang bumabatikos sa grupong ito lalong-lalo na kay Arnel. May ilan, ayaw nila kasi siya ay isang Pilipino, ang iba nama'y nagsasabi na di nya kayang pantayan ang boses ni Steve Perry at ang iba kinukwestyon ang kanyang punto sa pananalita gawa nga ng hindi naman lumaki sa Amerika si Arnel. Sumatutal, di pa rin sila bilib kay Arnel.

Sa kabilang banda, kung may bumabatikos mayroon din namang bilib kay Arnel na mga banyaga na walang paki-alam kung siya man ay isang kayumanggi. Nagustuhan nila si Arnel dahil sa kanyang boses na may lalim at makatindig balahibo. Tinatanggap nila si Arnel na walang bahid na pag-aalinlangan gaya ng pagtanggap ng buong grupo ng banda sa kanya. Kaya naman makikita mo sa mukha ni Arnel ang kagalakan dahil sa kabila ng lahat ay marami pa ring sumusuporta sa kanya.

Ang konsyerto sa Planet Hollywood, Las Vegas kamakailan lamang ay gagawan ng DVD/CD at maglulunsad rin ng bagong album ang bandang ito sa darating na Hunyo na pinamagatang "Revelations". Double CD ito na kinabibilangan ng mga bagong komposisyon at ang sinasabi ng ilan ang pagrecord muli ng mga sumikat nilang mga kanta noon na kung saan si Arnel Pineda ang boses. Ang "All These Years" ay isa sa mga bagong kanta ng Journey at ayon sa ilang kritiko maganda ang kantang ito na tiyak papatok sa panlasa sa mga mahihilig sa ballad. Abangan ninyo ang nalalapit na konsyerto ng Journey sa mga bansa sa Europa.

No comments: